~Kuya Ger~

Sa ating mundong ginagalawan, may mga pangyayaring sadyang kakatwa at kung minsa’y nag-iiwan ng katanungan. Isa sa mga pangyayari sa aking buhay na hindi ko kailanman malilimutan ay ang misteryosong pagpanaw noon ng aking Kuya Ger, na kahit sa hinagap ay hindi ko inakalang mangyayari sa kanya.

Si Kuya Ger ay anak ng aking Tita Sonia, kapatid ng aking lola sa ama. Tita ang nakagisnan kong itawag sa kanya dahil hindi pa naman siya ganun katanda.

Tahimik lang si Kuya, hindi naman siya yun tipong palakausap o mahilig makihalubilo sa maraming tao. Sabi nga ng iba ay suplado siya ngunit ang totoo ay mabait at kalog rin naman.

Taong 2001, isang araw, nagpaalam si Kuya Ger kay Tita Sonia upang mag-outing sa isang resort sa Batangas kasama ang mga kabarkada. Nagtataka ang aking tita kung bakit iba ang mga ikinikilos ni Kuya Ger ng mga oras na iyon. Lakad ito ng lakad at tila hindi mapakali at parang kay lalim ng iniisip.

Tinanong ni Tita kung ano ang iniisip nito, kung mayroon ba itong mabigat na problema o kung masama ba ang pakiramdam. Sinabi pa ni tita na kung may nararamdaman ito ay huwag ng tumuloy sa pag-alis, subalit hindi naman ito nagsalita at tila walang narinig. Natuloy rin si Kuya Ger sa kanilang outing. Ilang araw silang nawala at nagpakasaya dun sa resort, ngunit hindi namin alam na iyon na pala ang huling beses na makikita naming buhay si Kuya Ger.

Isang gabi, nakatanggap si Tita Sonia ng tawag mula sa isang kaibigan ni Kuya Ger. Isang balitang gumulantang sa aming lahat at halos ikawala ng bait ni Tita. Hindi kami makapaniwala sa balitang nilamon daw ng isang malaking alon sa dagat si Kuya at hindi na ito nakaahon pa.

Imposible iyon sapagkat magaling lumangoy si Kuya Ger, paano nangyari iyon? sabi ko sa aking sarili.

Kwento ng isa sa mga kaibigan niya, naghahanda na sila noon pabalik sa Maynila ng nagpaalam daw si Kuya na nais nitong bumalik sa dalampasigan. Tinanong niya ito kung bakit pa babalik doon? ang naging sagot lamang daw ni Kuya ay nais nitong masilayang muli ang dagat sa huling pagkakataon, na tila malungkot ito at namumutla ang mukha.

Kahit pala ang mga kabarkada ni Kuya Ger ay naninibago sa mga ikinikilos nito.

Pinayagan naman nila na muling tanglawin ni Kuya Ger ang dagat. Muli nilang hinagip ng tingin si Kuya habang papalapit ito sa dalampasigan. Takipsilim na daw kasi noon kaya kulay abo na ang kalangitan. Tahimik ang dagat at mistulang natutulog sa gitna ng malamig na hanging amihan nang bigla na lang daw lumaki ang alon at mula sa pagiging tahimik nito kanina ay tila galit na galit na hinampas si Kuya Ger at hinigop patungo sa kailaliman nito.

Ilang linggo ring hinanap ang kanyang katawan sa laot. Muntik na rin kaming mawalan ng pag-asa kung makikita pa ang kanyang katawang lupa o hindi na . Sa loob ng mahabang paghihintay at pagdarasal ay dininig rin ng Diyos ang aming panalangin, natagpuan ang labi ni Kuya Ger malapit daw sa China Sea. Halos hindi na namin siya makilala dahil sa sobrang tagal na niyang nababad sa tubig. Ipinasuri rin siya ni Tita Sonia at lumabas na matinding pagkalunod nga ang kanyang ikinamatay.

Sari-saring kwento ang nagsilabasan. Ayon sa mga taong nakatira malapit sa resort na iyon, taon-taon daw na may kinukuhang buhay ang dagat dahil sagrado iyon at pinamamahayan ng mga engkanto.

Ang sabi naman ng mga matatanda, baka raw nagustuhan si kuya ng diwata na siyang tagapagbantay ng Karagatan at siya’y kinuha at isinama sa kanilang kaharian. Ang katawan daw ni Kuya Ger na nasa loob ng ataul ay hindi na niya totoong katawan. Iyon ay napalitan na ng saha ng saging o isang malaking troso. Imahe na lang niya ang aming nakita at dinaya lang ang aming mga mata.

Lalong nanindig ang aking balahibo ng ikwento ng isa naming kapitbahay na nakakita noon kay Kuya Ger bago pa man ito umalis na naglalakad ito ng walang ulo.

Hindi raw nakagalaw ang pawisan niyang katawan at walang lumabas na boses sa kanyang bibig ng oras na iyon sa sobrang takot. Nagsisisi siya na hindi man lang niya nabalaan si Kuya.

Kapag nakakita ka raw kasi ng taong walang ulo ibig sabihin nito’y kamatayan ng taong iyon kaya oras na makakita ka ng taong walang ulo, hampasin mo o tapikin daw siya sa likod at ipahubad ang suot na damit pagkatapos ay sunigin ito upang hadlangan ang banta ng kamatayan.

Hanggang sa ngayon ay hindi mapatawad ng aming kapitbahay ang kanyang sarili lalo’t bumabalik pa rin sa kanyang gunita ang nakapanghihilakbot na pangyayaring iyon.

Inamin rin sa amin ni Tita Sonia na may mga gabing nagpaparamdam si Kuya Ger sa kanya. Napapabalikwas daw siya sa kanyang higaan habang natutulog dahil may naririnig siyang ungol na parang dumaraing o bumubulong sa kanyang tenga ngunit hindi naman niya maintindihan ang sinasabi. Para daw galing sa hukay ang bulong at ungol na kanyang naririnig at alam niya na yun ang kanyang anak. At habang nag-iisa siyang nanonood ng TV sa sala, bigla na lang namamatay ang TV na wala naman daw pumipindot ng remote control.

Marahil ay may mga gusto pang ipaabot si Kuya Ger kay Tita. Dinadaan na lang niya sa mga paramdam dahil sa mundo nating mga buhay, malabo ng makabalik ang sinumang namayapa na at binawian na ng buhay.

~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~

Story Sender : Mike Cangungin

Age : 25

Gender : Male

Location : Sampaloc Manila

2 Tugon to “~Kuya Ger~”

  1. Panalo! hehehe😛

  2. naman astig…

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

%d bloggers like this: